Monday, July 21, 2008

Ang Pag-ibig ng Isang Bulag

Ang pag-ibig ay may sariling mata
Kaya naman ang bulag
Bulag lamang sa paningin
At hindi sa pag-ibig

Matamis magmahal ang isang bulag
Nais ka laging katabi
Maamoy, mahawakan, mahalikan
Parang asawang inuwian ng kanyang
Asawang nagtratrabaho sa Saudi
Miss na miss
Hawak dito, hawak doon
Haplos, halik

Ang bulag kapag umibig
Seryoso, simple, may respeto
Sa pag-ibig lang tutuon
Gagawing idolo ang ginigiliw
Tutulalaan ng mga matang nakapaskil
Sa mukhang dumaan sa daluyan ng bata
Ng kanyang ina

Bulag man, pero di bingi
Di pipi, di lumpo
Ang  kakulangan sa paningin:
Pupunuan ng bibig
Ng matatamis na mga salita
Ng mga halik ng mga labing
May perpektong landing
Tulad ng mga eroplano sa NAIA
Kalkulado, maingat, di masyadong magaslaw
Pupunuan ng mga haplos ng kamay
Na sanay sa pangangapa
Kayang tukuyin ang mga taling
At peklat sa balat
Sensitibo at kayang magbigay ng aliw
Swabe, parang himas
Ng sabungero sa kanyang tandang

At higit sa lahat
Ang pag-ibig ng isang bulag: dalisay
Parang nabulag ng pangalawang ulit
Di titingin sa iba
Di susulyap sa mga may itsurang dumaraan
Habang nagde-date
Sa tabi ni Rizal sa Bagumbayan

No comments: