Sa una’t sa sapul sa buhay ng tao
May multo nang laging nakagabay
Kasa-kasama, bitbit-bitbit
Parang butiking sa dingding nakadikit
Mula pagkabata hanggang pagtanda
Ang multo sa mga bata
Multong likha ng mga nakatatanda
“Tahan na kundi darating ang mga mumu”
“Nangunguha sila ng bata, tahan na”
Ang multong epektibo sa pagpapasunod ng mga bata
Ang multo sa mga dalaga’t binata
Multong minsang kinatatakutan
Ngayo’y kaya ng harapin at tapatan
Ng walang takot at kaba
Ang multong kahit hintayin, di dumarating
Ang multo ng mga matatanda
Multong sila mismo ang naghahanap at may gawa
Kaiba sa likha nilang multo para sa mga bata
Anak ng kasalanan, prutas ng puno ng sobrang yabang
Ang multong di madaling paalisin
Iba’t ibang anyo ng multo
Nakakatakot, mailap, bunga ng poot
Multong peke, multong totoo
Multong pansamantala, multong pangmatagalan
Ang multong sa mga tao sumisipsip ng buhay
No comments:
Post a Comment