Thursday, April 12, 2007

Penitensya


Mabigat na krus bitbit ng mamang lasing sa bilog at ram na pinagsaluhan
Ng mga kasamang may panata sa Mahal na Araw
Gegewang-gewang ang mabigat na krus, nananahi ng sinulid sa kalsadang
Tila mabibiyak sa init ng araw na nakatunganga sa kalawakan.


Batang may bitbit na tabo na may lamang tubig poso
Na may halong dugo: hugasan para sa bleyd
Na gamit pangguhit nang mababaw o malalim sa balat ng mga mamang
Pumaparada sa kalye kasama ang buong barkada para sa panata.


Sa tapat ng bawat istasyong itinayo ng bawat baranggay ng bayan
Hihinto ang mga mamang nabanggit sa harapan ng Mahal na Ina
O Mahal na Anak na nakapako sa Krus; magdarasal
Hihingi ng tawad o nakatihaya o nakataob lang, humihinga, alin ba?


Sa simbahan ang tuloy pagkatapos ng mahabang lakad
Hihiga nang nakataob sa batong lapag at mahuhulog ang ilang dahon ng bogembilya
Mula sa kanilang mga koronang yari sa nasabing matinik na halaman
Ilang patak ng dugo at pawis ang makikilahok sa naipong mga alikabok sa sahig.


Ang mamang lasing pagkatapos ng mahabang pagkakahimlay sa malamig na sahig na marmol
Lalabas ng simbahan, sisinagan ng nanggagalaiting araw
Pagod, gutom, pawisan, nagdurugo. Ang sugat mahapdi.
Masakit ang ulo o hang-ober? Panata o “panata lang”? Pare, inuman ulit!

No comments: