Inaasam-asam mo bang ako’y mabubuo
Nahirapan ka ba nang ipinagbuntis mo ako
Nangarap na ako’y maging babae o lalaki
Nagsuka, nagmanas, nahilo at naglihi?
Napangiti ba kita noong iniluwal mo ako
Sinong kamukha, magaling bang sumuso
Napuyat ba kita sa ingay ng aking iyak
Nagselos ba si ama, ang iyong kabiyak?
Ipinagdasal mo bang ako’y malusog
Nagkatotoo yata’t, nagsimulang bumilog
Pinakain mo ba ako ng mani at saging
Para tumalino at sayo’y mahambing?
Maaga ka bang bumangon sa umaga
Para mayroong masarap na agahan sa lamesa
Magluto, maglaba, magwalis, mamlantya
Maghatid sa akin patungong eskwela?
Nalungkot ka ba nang ako’y nagsimulang mapalayo
Kayod sa trabaho para ako’y mapagkolehiyo
Naghanda ka ba ng paborito kong ulam para maihain
Sa tuwing ako’y uuwi sa weekends na palaging bitin?
Hanggang langit ba ang iyong tuwa na ako’y tapos na
Umakyat sa entablado, nagyabang sa amiga
Nagpasalamat sa Diyos, at napabuntong-hininga –
Salamat sa Diyos, ang anak ko’y walang kapara?
Oo, Ina. Ina oo.
Oo. Lahat iya’y naipadama mo.
Oo. Mapalad ako. Ika’y ina ko.
Ina ika’y isang santo.
Ina, Ina, Ina... Ina kang walang kapara
Ina kang matatag, masipag, mapagpasensiya
Ang pag-ibig mo’y sintamis ng pulot
Ako’y bubuyog na iyong binusog.
Ina, Ina, Ina... walang hanggang pasasalamat
Sa aruga’t pagmamahal ako’y hindi naging salat
Ang iyong haplos, halik, payo, pagod, at pawis
Walang katumbas, wala, wala na, wala nang kaparis.
No comments:
Post a Comment