Monday, July 21, 2008

Window-shoppping

Naglalakbay na parang barko ni Odysseus
Sa pusod ng Robinson’s Midtown
Parang paru-parong padapu-dapo
Sa sari-saring bulaklak
Ngunit di makatikim ng pulot
Pangmayaman kasi
Pang-iilan
Kaya’t pasulyap-sulyap na lang
Hanggang mapagod sa kakalinga
Sa mga tindahan ng sapatos
T-shirt at magarang pantalon at bag
Naglalaway sa labas
Ng mga bintang salamin
Habang ang iilan ay ngumangasab
Ng pritong manok na babad sa mantika
Ng tinapay na lublob sa asukal
Ng kapeng halos katumbas ng
Swelduhin ng isang saleslady sa SM
Patuloy ang paglalakbay
Hanggang makaramdam ng pulikat sa binti
At hanapin ang gawing labasan
Ika-ika patungong
EXIT

No comments: